Batangas Province IATF Situation Report – May 11, 2020

Help Accompanied by Globe Telecom
May 8, 2020
Emergency Quarantine Facility sa Lungsod ng Batangas, Pinasinayaan
May 11, 2020

May 11, 2020

Nakatakda nang lumagda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, sa isang Memorandum of Agreement (MoA) katuwang ang Department of Health (DOH) para sa turn-over ng Provincial Rehabilitation Center sa Malainin, Ibaan na magiging isang isolation facility para sa COVID-19 cases sa lalawigan.

Kabilang ito sa mga napagtalakayan ng Batangas Province Inter-Agency Task Fore for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) noong ika-11 ng Mayo 2020 sa Provincial Health Office sa Lungsod ng Batangas.

Ito ay matapos bigyan ng awtoridad ng Sangguniang Panlalawigan si Gov. Mandanas na pumasok sa nasabing kasunduan, kung saan ang DOH ang mamahala sa nasabing pasilidad. Ayon kay Center for Health Development (CHD) IV-A Regional Director, Dr. Eduardo C. Janairo, ang Malainin facility ay patatakbuhing kaugnay ng Southern Tagalog Regional Hospital sa Cavite.

Iniulat din sa pagpupulong na lahat ng 12 district hospitals sa lalawigan ay bukas at operational. Lima dito ang nakatakdang itaas bilang Level 2 hospitals, kabilang ang Laurel Memorial District Hospital (LMDH) sa Lungsod ng Tanauan, Batangas Provincial Hospital (BPH) sa Lemery, Lipa City District Hospital (LCDH), San Juan District Hospital, at Apacible Memorial District Hospital (AMDH) sa Nasugbu. Isang pasilidad naman sa Bauan ang gagawing Level 1 hospital.

Plano rin ng pamahalaang panlalawigan na makipagkasundo sa Private Hospitals Association of Batangas (PHAB) upang maikonsulta ang mga pasyenteng may comorbidities o may patong-patong na sakit.
Isang resolusyon din ang binabalangkas ng task force, sa mungkahi ni Dr. Gerald Alday, para atasan ang mga pribadong kompanya na kinakailangang sumailalim sa COVID-19 testing ang lahat ng kanilang mga empleyado bago makapagpatuloy ng operasyon.

Kaugnay sa testing sa lalawigan, sa ngayon ay sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) lamang isinasagawa ang testing ng samples mula sa Batangas. Ang MoA kapareha ang Philippine Red Cross (PRC) testing laboratory ay isinasaayos pa, samantalang ang itinatayo sa Batangas Medical Center (BatMC) ay hindi pa natatapos.

Batangas Capitol PIO / Photo: Dr. Rosalie Masangkay

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.