August 7, 2019
Pormal nang itinuturing na magkaibigan ang mga Lalawigan ng Batangas at Lalawigan ng Madang, Papua New Guinea. Ito ay matapos lagdaan ng dalawang lalawigan ang isang Memorandum of Understanding (MoU) noong ika-7 ng Agosto 2019 sa Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.
Ang MoU, na nilagdaan nina Batangas Governor DoDo Mandanas at Madang Governor Peter Charles Yama, ay naglalayong pagtibayin ang relasyon at kooperasyon ng mga nabanggit na lalawigan sa larangan ng edukasyon, kalakalan, turismo, kultura at “people-to-people exchange or diplomacy.”
Nakasaad din sa kasunduan na maglalaan ng suporta at tulong ang mga pamahalaang panlalawigan sa mga organisasyon at kompanya sa magkabilang lugar upang makabuo ng mga ugnayang pang-ekonomiya at pagtutulungan sa mga usaping panlipunan.
Ang Madang Province, na matatagpuan sa hilagang baybayin ng Papua New Guinea, ay isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng cocoa at baka sa nasabing bansa.
Naging saksi sa okasyon sina Provincial Tourism and Cultural Affairs Officer, Atty. Sylvia Marasigan, at mga opisyal ng dalawang pamahalaang panlalawigan.
Bryan Mangilin, Photo: Macc Ocampo – Batangas Capitol PIO