Batangas PHO: Bukod sa COVID-19, Mag-ingat din sa Dengue Ngayong Panahon ng Tag-ulan

Request for Quotation – PURCHASE OF MEDICAL EQUIPMENT (3 UNITS OF CAUTERY MACHINE) FOR USE OF VARIOUS DISTRICT HOSPITALS IN THE PROVINCE OF BATANGAS
July 2, 2021
Pagpapalakas sa mga Programang Halina Ika’y Magtanim at Plant,Plant,Plant Isinasagawa ng OPAg
July 3, 2021

July 2, 2021

Naglaan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ngayong taon, sang-ayon sa direktiba ni Governor DoDo Mandanas, ng ₱5 milyon para sa pagbili ng mga insecticides, larvicides, at dengue rapid diagnostics test na ipamamahagi sa bawat barangay sa lalawigan upang pagtibayin ang kahandaan at maiwasan ang dengue outbreak ngayong panahon ng tag-ulan.

Kaugnay ito sa naging pagtalakay ni Provincial Health Officer Dr. Rosvilinda Ozaeta, sa isinagawang Joint Provincial Inter-Agency Task Force at Provincial Health Board Meeting, na kahit pandemya, tuloy-tuloy aniya na tinututukan ng Kapitolyo ang pagpapalakas ng dengue prevention and control program ng lalawigan.

Kailangan aniya na alalahanin ng bawat isa ang bantang dulot ng dengue sapagkat kagaya ng COVID-19, ito rin ay nakamamatay.

“Hindi lamang COVID-19 ang babantayan natin, even dengue rin lalo ngayong rainy season,” ani Dr. Ozaeta. “Uulan, aaraw, dito naiipon ang tubig at dahil diyan, maaaring ito ang maging breeding ground ng mga lamok na may dalang dengue virus.”

Sa tulong ng mga Barangay Health Workers sa bawat komunidad, naisasakatuparan ang mga programang nakatuon sa pagpapaganap ng preventive measures para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng dengue at ang posibleng pagkakaroon ng dengue outbreak sa probinsya.

Kaakibat ng pagsunod sa mga itinakdang minimum public health standards upang maiwasan ang COVID-19, pinapayuhan din ang publiko na sundin ang 4S strategy para naman hindi makakuha ng sakit na dengue.

Kinapapalooban ang naturang istratehiya ng apat na hakbang upang labanan ang dengue, kabilang ang “Search and Destroy” o ang paghahanap at pagpuksa sa mga lugar na pinamumugaran ng mga kiti-kiti o mosquito larvae; “Seek Early Consultation” o ang agarang pagkonsulta sa doctor sa pinakamalapit na ospital o health center kung may nararanasan nang sintomas ng dengue; “Self-Protection” o pagsusuot ng mga damit na maaliwalas at maliwanag ang kulay, pagpahid ng mosquito repellent, at pag-iwas sa maiiksing kasuotan upang hindi makagat ng lamok; at, “Sustain Vector Control Measures,” tulad ng spraying, misting and larvicides sa mga hot spot areas na may banta ng outbreak.

Ang mga sintomas naman ng dengue ay kinabibilangan ng mataas na lagnat, panghihina, pananakit ng kasukasuan at kalamnan, pananakit ng tiyan at pagsusuka, pagdurugo ng ilong at gilagid, pamumula ng balat, at pagkawala ng ganang kumain.

Samantala, batay sa datos ng Provincial Health Office, bumaba ang kaso noong taong 2020 ng 92% kung ikukumpara sa naitalang bilang noong 2019. Dahilan umano ito sa nangyaring pagputok ng Bulkang Taal at pag-iral ng community lockdowns at quarantine restrictions na lubhang nakaapekto sa pag-uulat ng mga datos.

Ipinagbigay-alam din ng PHO na dahil limitado ang maaaring lumabas dahil sa banta ng COVID-19 upang komunsulta sa ospital, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng nasabing tanggapan sa mga development partners at private doctors upang maipagpatuloy ang Teleconsultation sa bawat district hospital ng lalawigan bilang bahagi ng mandato ng Universal Health Care.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO /
with reports and Photo from Provincial Health Office

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.