August 29, 2020
31 na pasyenteng confirmed at suspected na may COVID-19 virus ang naihatid ng mga ambulansya ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa iba’t ibang ospital at isolation facilities sa loob at labas ng Lalawigan ng Batangas.
Ayon ito sa ulat ng PDRRMO, sa pamamagitan ng kanilang department head na si Ginoong Joselito Castro, at sang-ayon sa tagubilin ni Gov. DoDo Mandanas na maghatid ng angkop na mga serbisyo at tulong medikal sa mga Batangueñong naapektuhan ng kasalukuyang pandemya.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng nasabing tanggapan, katuwang ang Provincial Health Office, na tuloy-tuloy ang mga pagsasanay sa mga tauhan ng PDRRMO para sa wasto at ligtas na mga pamamaraan sa paghahatid at pakikisalamuha sa mga COVID-19 patients upang makaiwas sa pagkalat ng virus.
Kasama rin sa mga trainings ang pagpapalakas ng kakayahan ng PDRRMO staff sa pamamagitan ng pag-aaral ng tungkol sa Basic Life Support at Oxygen First-Aid Ambulance Operations.
Batangas Capitol PIO – VIA (Ulat / Larawan mula sa PDRRMO)