Batangas International Port, patuloy na pinalalakas

Pag-uulat sa pagtatasa at pagbubuwis ng ari-arian sa lalawigan isinagawa
August 20, 2019
Daan ‘tungo sa Rich Batangas
August 20, 2019

August 20, 2019

Isa ang pagpapaunlad ng Batangas International Port sa maraming nakalatag na proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan na inaasahang magiging tulay sa pagpasok ng mas maraming mamumuhunang dayuhan, oportunidad na maisulong ang turismo, at makatutulong na mapagaan ang daloy ng mga kalakal sa loob at labas ng lalawigan.

Kaugnay nito, kabilang ang Pamahalaang Panlalawigan na nakiisa at nakapagpadala ng kinatawan sa idinaos na Training Course on Port Management sa bansang China noong ika-10 hanggang ika-20 ng Hulyo 2019.

Si Engr. Medel B. Salazar, Provincial Government Assistant Department Head ng Provincial Engineer’s Office, ang isa sa dalawampu’t apat na partisipante, mula sa labing pitong bansa, na nakilahok sa nasabing kurso.

Ang 10-araw na training ay may layuning palakasin ang koneksyon at itaguyod ang pagtutulungan ng iba’t-ibang mga bansa na naka-sentro sa negosyo at economic activities sa mga daungan dito.

Bahagi rin ng course on port management ang isinagawang Interactive Voting kung saan nanguna ang Southeast Asia, na kinabibilangan ng Pilipinas, Malaysia, Indonesia, at Vietnam, sa mga daungan na kinakikitaan ng potensyal o investment attractiveness sa buong mundo.

Sa buong Pilipinas, ang Batangas Port ang nangunguna sa dami ng mga pasaherong sumasakay at bumababa rito.

Nagsisilbi rin itong pangunahing tawiran ng mga kalakal sa pagitan ng mainland Luzon, MIMAROPA region at kalapit na mga island destinations sa Visayas. Ang Batangas Port ay patuloy din sa pagpapalawig ng kakayahan para sa paglabas at pagpasok ng mga international general cargoes.

Sa ulat ni Engr. Salazar, bagaman ang cargo handling ay maituturing nang isa sa mga profitable investments para sa nasabing international port, kailangan pa rin aniyang tutukan at isaalang-alang ang pondong nakalaan sa konstruksiyon at mga makinarya, ang pagtiyak na dapat hindi makompormiso ang kalikasan, pagkakaroon ng maayos na ugnayan sa mga kliyente, manpower, sapat na espasyo na nakalaan sa daungan, infrastructure support projects, at ang pagsisiguro sa kaayusan at seguridad.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.