Batangas Capitol, waging muli sa Digital Governance Awards 2019

Marine biologist na nakatuklas na Verde Island Passage ang sentro ng marine shorefish biodiversity sa mundo, bumisita sa Kapitolyo
November 25, 2019
Disability Sensitivity Awareness Orientation, isinagawa sa Batangas Province
November 27, 2019

November 27, 2019

Isang natatanging karangalan ang nakamit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas matapos nitong muling makuha ang Best in eGov Data-Driven Governance (D2G) Award – Provincial Level sa ginanap na 8th Digital Governance Awards 2019 noong ika-26 ng Nobyembre sa Philippine International Convention Center, Pasay City, Metro Manila.

Ang D2G Award ay ipinagkaloob sa Provincial Government of Batangas ng Department of Information and Communications Technology (DICT), katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at National ICT Confederation of the Philippines (NICP), dahil sa proyektong Electronic Real Property Taxation and Assessment, isang geographical information system, na nasa ilalim ng pamamahala ng Batangas Provincial Assessor’s Office.

Ang proyektong ito ay naglalayong i-digitize at sentralisado ang tax maps ng 30 munisipalidad ng lalawigan, kung saan maiuugnay ang mga tax maps sa kaukulang tax declaration nito, at maipapakita ang bawat datos sa isang visual format. Malaki ang naiitulong nito sa pagpapatibay o implementasyon ng iba’t-ibang mga patakaran at regulasyon na ipinatutupad ng tanggapan, gayundin sa tracking ng bawat pagbabago sa datos na nakakalap.

Ayon kay Provincial Assessor, Engr. Ed Cedo, sumasalamin ang ibinigay na parangal sa pagkakaroon ng kanilang tanggapan ng isang patas at responsableng pagproseso ng datos sa pamamagitan ng free flow of information, habang tinitiyak na ang mga nakuhang personal at pribadong datos ay protektado. Binigyang-diin din ni Engr. Cedo na ang kanilang nakuhang award ay panalo rin ng bawat Batangueño na kanilang pinaglilingkuran.

Noong nakaraang taon, nagwagi at kinilala rin ang pamahalaang panlalawigan bilang pinakamahusay pagdating sa e-Government Inter-Operability Empowerment (G2G) o ang inisyatibong maiugnay ang mga datos at sistema sa ibang mga tanggapan ng gobyerno, maging nasyunal man ito o lokal.

Ang Digital Governance Awards ay isang annual search para sa mahuhusay na Local Government Unit sa bansa pagdating sa mabisa at mahusay na paggamit ng makabagong teknolohiya o pamamaraan na nagbibigay-daan tungo sa pagkakaroon nang maayos na pagganap sa tungkulin, epektibong paghahatid ng serbisyo sa publiko, at maisulong ang transparency sa local governance.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.