Batangas Capitol, muling hinirang na Pag-IBIG Fund – Government Top Employer, Civil Service Commission Bronze Awardee

Mrs. Philippines Batangas 2019 Pageant, isinagawa sa unang pagkakataon
September 4, 2019
Soroptomist International Ka-Batangueña, nanguna sa Mangrove Planting
September 10, 2019

September 9, 2019

Dalawang natatanging karangalan ang nakamit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas matapos itong muling hirangin bilang Government Top Employer ng Pag-IBIG Fund at maging Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (PRIME-HRM) Bronze Awardee ng Civil Service Commission (CSC).

Ang nasabing mga pagkilala ay pormal na ipinresinta kay Governor DoDo Mandanas, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, ni Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) Department Head Rhiza B. De Zosa noong ika-9 ng Setyembre 2019 sa Batangas Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Sa ginanap na South Luzon leg ng Stakeholders’ Accomplishment Report (StAR) para sa 1st semester ng taong 2019 noong ika-5 ng Setyembre 2019 sa Muntinlupa City, kinilala ng Pag-IBIG Fund ang Provincial Government of Batangas bilang pasasalamat ng ahensya sa makabuluhang kontribusyon nito at pagiging bahagi sa tagumpay at record-breaking accomplishments para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo ng taong ito.

Bukod pa rito, binigyang-diin din ng naturang ahensya ang mahusay na pagpapaganap na makapaglingkod ang Kapitolyo sa mga kawani nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang matatag at tuloy-tuloy na benepisyo, alinsunod sa mandato nito.

Samantala, kaalinsabay ng 2019 Public Sector Human Resource Symposium na idinaos noong ika-24 ng Hulyo sa Pasay City, ipinagkaloob muli ng CSC sa Pamahalaang Panlalawigan ang Bronze Award for human resource management excellence.

Ang Bronze Award ay ibinibigay ng CSC kapag ang isang ahensya o institusyon ay nakatuntong sa tinatawag na Level 2 maturity sa ilalim ng PRIME-HRM.

Sumasalamin ito sa tuloy-tuloy na pagsusumikap ng PHRMO na mapalawig pa ang pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat kawani ng pamahalaang panlalawigan tungo sa mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko. Ito ay para masiguro rin ang matagumpay na implementasyon ng PRIME-HRM upang mapanatili ng Kapitolyo ang akreditasyong hawak nito para sa regional level ng PRIME-HRM Maturity Level II sa apat na core HR systems na kinabibilangan ng Recruitment, Selection & Placement; Performance Management; Learning and Development; at, Rewards and Recognition.

Buong pagmamalaking ibinahagi ni Bb. De Zosa na ang Batangas Provincial Government lamang ang institusyon sa buong lalawigan ang nahirang bilang Bronze awardee. Noong nakaraang taon, nahirang din na Bronze awardee ang Batangas Capitol.

Para naman kay Governor Mandanas, ang mga pagkilalang ito ay napakahalaga dahil ipinapakita nitong nasa tamang landas ang Kapitolyo sa paglalakbay patungo sa isang mayamang Lalawigan ng Batangas.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO / Photo: Batangas PHRMO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.