Batangas Capitol, Aktibong Kumikilos Kontra COVID-19

Proposed Flyover, Inaasahang Solusyon sa Maharlika Highway Traffic sa Lungsod ng Sto. Tomas
March 11, 2020
Hiling ni Gov. Mandanas na ₱21.5 Milyong Ayuda para sa 1,078 na Barangay sa Lalawigan, Pasado na sa Sanggunian
March 26, 2020

March 12, 2020

Patuloy ang ginagawang mga hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas upang maiwasan, hindi man ang pagpasok, kundi ang pagkalat ng new corona virus o COVID-19 sa Lalawigan ng Batangas.

Ito ang binigyang-diin ni Gov. DoDo Mandanas, katuwang ang Provincial Health Office, sa pangunguna ni Dr. Rosvilinda Ozaeta.

Noong buwan pa ng Pebrero, kasabay ng mga proyekto at aktibidad kaugnay ng pagputok ng Bulkang Taal, nagpalabas na ng Executive Order (EO No. 2HIM2-03) na naglalatag ng mga hakbang upang makapag-ingat ang mga Batangueño laban sa COVID-19. Kabilang dito ang wastong paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig; pag-iwas na hawakan ang mata, ilong at bibig; at pagtatakip ng bibig at ilong kapag umuubo at sinisipon.

Sa pamamagitan din ng isang Executive Order (EO No. 2HIM2-05), binuo ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging and Re-emerging Diseases in the Province of Batangas para sa maayos na pagtugon ng pamahalaan sa nasabing sakit.

₱5 Milyong pondo naman ang nakalaan para matugunan ang mga magiging pangangailangang medikal kaugnay sa COVID-19.

Dagdag pa ni Dr. Ozaeta, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Kapitolyo sa mga pamahalaang lokal ng ating lalawigan, at sa mga pamunuan ng Department of Education, Commission on Higher Education, at iba pang ahensya ng pamahalaang nasyunal patungkol sa mga nararapat na mga pre-emptive measures.

Kaugnay nito, nakipagpulong na rin ang Kapitolyo sa mga namumuno ng Batangas Port at mga health officials ng MIMAROPA Region para sa tamang pagpapanatili ng kalinisan sa pier, at pagsasaayos ng standard operating procedures sa pagtugon sa mga posibleng maging pasyente mula sa mga karatig isla.

May nakahanda na ring emergency vehicle o ambulance ang pamahalaang panlalawigan na eksklusibong maghahatid sa mga pagamutan ng mga posibleng COVID-19 patients.

Sa harap ng pagdami ng positibong kaso nitong mga nakaraang araw, nagpalabas na rin ng advisory si Gov. Mandanas na iwasan na muna ang pagkakaroon ng mga malaking pagtitipon.

Pansamantala na rin munang ititigil ang People’s Day tuwing Biyernes, bilang pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng mga kababayang nagpupunta sa Kapitolyo at mga kawaning humarap sa kanila.

Nagpaalala rin ang gobernador na gawing batayan ng mga balita at updates ang mga opisyal na mga pahayag mula sa DOH at pamahalaang panlalawigan, at mag-ingat sa pagpapakalat at paniniwala sa mga maling balita tungkol sa COVID-19.

Inaanyayahan din niya ang lahat ng mga Batangueño na magsama-samang manalangin upang “matiwasay na malampasan ng lalawigan, ng ating bansa at ng buong mundo ang panibagong pagsubok na ito sa kalusugan ng sangkatauhan.”

Vince Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
535557

Comments are closed.