56 Estudyante, Benepisyaryo ng SPES sa Lalawigan ng Batangas

Batangas Capitol Rolls Out “HELP in Motion” thru Mobile Markets
August 27, 2020
Pulong Agrikultura sa Harap ng “New Normal” Isinagawa sa Batangas Province
August 28, 2020

August 28, 2020

Patuloy na inaadhika ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Tulong sa Pagpapaunlad ngn Pamayanan (PACD), ang suportahan at pagtibayin ang mga proyekto at serbisyong pang-empleyo para sa komunidad, lalo na sa mga kabataan.

Ang Special Program for Employment of Students o mas kilala bilang “SPES” ay ipinatutupad ng lalawigan upang mabigyan ng oportunidad ang mga mahihirap at karapat-dapat na mga kabataan na makapagtrabaho at maging produktibo, lalo na ngayong panahon ng kalamidad. Ang programang ito ay nasa ilalim ng teknikal na pangangasiwa ng Kagawaran ng Paggawa at Empleyo (DOLE).

Nais ni Gobernador Hermilando ‘DoDo’ I. Mandanas at Gng. Fredesvinda R. Mendoza, hepe ng tanggapan ng PACD, na matulungan ang ating mga mag-aaral, partikular ang mga may kinakaharap na problema sa “online learning.” Ang kanilang kikitain mula sa SPES ay makatutulong sa kanilang pag-aaral.

Ang limampu’t anim na napili ng tanggapan ay mga estudyante na 21 hanggang 30 taong gulang. Ang makabagong pamamaraan ng pagtatrabaho o Work From Home (WFH) ang ipatutupad para sa kanila, kaya kailangan na may access sila sa paggamit ng mga computer, laptop, smart phone at internet. Sila ay nagsumite ng mga sumusunod na dokumento bilang patunay na sila ay kwalipikado sa programa: Birth Certificate, Registration form, Pasadong Marka ng nakaraang semestre at Income Tax Return (ITR) ng kanilang magulang na hindi lalagpas sa taunang regional poverty threshold na P 167,094.00.

Noong ika-18 ng Agosto 2020, sa pamamagitan ng online video conference, isinagawa ng PESO Division ng PACD ang oryentasyon ng mga estudyante, kung saan tinalakay ang layunin ng programa at mga responsibilidad at tungkulin ng mga benepisyaryo ng SPES.

Nagsimula ang implementasyon ng SPES noong Agosto 24, 2020 at magtatapos sa Setyembre 18, 2020. Makatatanggap ang mga benepisyaryo ng kabuuang halaga na ₱10,062, kung saan ang 60% o ₱6,037.20 ay magmumula sa lalawigan at ang 40% o P4,024.80 ay magbubuhat naman sa DOLE.

Bawat taon ay patuloy na ipinapatupad ng PACD ang programang ito upang mabigyan ng oportunidad ang mga kabataan na makapagtrabaho, kumita at malinang ang kanilang kakayahan.

Mula sa ulat ng PACD

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.