438th Foundation Day ng Lalawigan ng Batangas, ipinagdiwang

Zero casualty sa Batangas Province, pagdaan ni Typhoon Tisoy
December 6, 2019
Universal Health Care Law Forum, isinagawa sa Kapitolyo
December 10, 2019

December 9, 2019

“Karakter ng pagkatao ang tunay na yaman ng mga Batangueño.”

Taas Noo, Diwang Batangueño. Isang simple, ngunit makabuluhang pagdiriwang ang isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, kasama sina Vice Governor Mark Leviste at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, para sa ika-438 na taong pagkakatatag ng Lalawigan ng Batangas noong ika-8 ng Disyembre 2019 sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City. Makikita sa larawan ang simbolikong paghiwa sa Foundation Cake na kumakatawan sa tamis ng tagumpay ng Batangas. ✐Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: Jun Jun De Chavez – Batangas Capitol PIO
Diwang Batangueño. Kabilang sa mga naging bahagi ng selebrasyon para sa ika-438 na taong pagkakatatag ng Lalawigan ng Batangas noong ika-8 ng Disyembre 2019 sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City ang Ceremonial Turnover ng Conquistas delas Islas Filipinas, isang aklat na isinulat ng paring Agustino na si Gaspar de San Agustin at orihinal na nailimbag sa Madrid, Spain noong 1698, ni Gov. DoDo Mandanas kay Lipa Archbishop Gilbert Garcera. Batangas Capitol PIO

Ito ang binigyaang-diin ni Governor DoDo Mandanas sa kaniyang mensahe sa isinagawang selebrasyon ng ika-438 na taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Lalawigan ng Batangas noong ika-8 ng Disyembre 2019 sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.

Inumpisahan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang misa, sa pangunguna ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera, na dinaluhan ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas; mga personalidad sa larangan ng serbisyo publiko, sining, at kultura; iba’t-ibang non-government organizations; at, mga lokal na opisyal at kinatawan ng mga local government units at national agencies sa lalawigan.

Kabilang sa mga naging bahagi ng selebrasyon ang Ceremonial Turnover of Provincial History Books kay Archbishop Garcera; at pagtatanghal ng mga piling kawani ng Kapitolyo, Batangas Drum Beaters, at mga estudyante ng Batangas Province High School for Culture and Arts, at Likhang Sining Dance Company ng Marian Learning Center and Science High School sa Batangas City, na isinayaw ang isa sa mga pagkakakilanlan ng lalawigan, ang Subli ng Agoncillo.

Naging sentro naman ng Foundation Day celebration ang paggagawad sa mga natatanging barangay, bayan, at lungsod sa lalawigan ng 2019 Seal of Good Local Governance Awards ng Department of the Interior and Local Government, at ang pagbibigay pagkilala sa pinakabago at ika-apat na lungsod ng lalawigan, ang City of Sto. Tomas, para sa ibinigay na suporta ng pamahalaang lokal ng naturang lungsod bilang host city ngayong taon para sa unang bahagi ng pagdiriwang na “Fun. Food. Faith. In the New City” noong ika- 7 ng Disyembre 2019.

Bukod dito, sa ikatlong pagkakataon, ginawaran ng pagkilala ang mga Batangueño na nagpakitang gilas pagdating sa sining at kultura. Isa dito ay si National Artist for Literature, Dr. Bienvenido Lumbera, na tumanggap ng Eminent Person Award, dahil sa kaniyang malaking ambag sa nasabing larangan.

Malaki ang pasasalamat ni Governor Mandanas sa mga awardees ngayong taon dahil ang mga ito, aniya, ang nagtataguyod at sumisimbolo sa angking galing ng mga Batangueño, nagtatakda ng mga pamantayan, at nagsisilbing inspirasyon para mas lalo pang pagbutihin ng bawat isa ang kani-kanilang mga potensyal.

Para sa gobernador, ang pagdiriwang ay sumasalamin sa pagpapahalaga sa yaman ng karakter ng pagkatao ng mga Batangueño, saksi ang mahaba at mayamang kultura, tradisyon, at kasaysayan ng lalawigan.

“That’s why we always work in maintaining our dignity, our integrity, and our nobility,” ani Governor Mandanas sa pagpapakahulugan niya sa mga katagang “Ang mga Batangueño, taas noo kahit kanino.”

Sa huli, tuloy-tuloy pa, aniya, at dapat pang pagbutihin ang paglilingkod para sa mga susunod pang taon ng paglalakbay tungo sa isang ganap na mayamang lalawigan ng Batangas.

Taong 2008, sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan Ordinance No. 001, nang opisyal na idineklara ang December 8, 1581 bilang araw ng pagkakatatag ng Lalawigan ng Batangas.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.