3rd Simultaneous Earthquake drill sa Batangas, Nilahukan ng mga LGUs at Pribadong Sektor

Women On Wheels para sa mga Batangueña, Umarangkada na
August 9, 2019
5th National Catholic Media Convention, idinaos sa Batangas
August 13, 2019

August 13, 2019

Mga Garciano, handa sa lindol. Nilapat ng paunang lunas ng medical team ang mga nasaktan sa malakas na pagyanig sa Bayan ng Padre Garcia, Batangas. Bahagi ito ng pakikiisa ng Lalawigan ng Batangas sa 3rd National Simultaneous Earthquake Drill 2019, sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, noong August 8, 2019 sa Armor Milling Corporation sa Barangay San Felipe, Padre Garcia. Photo: Batangas PDRRMO

Bilang pakikiisa sa 3rd National Simultaneous Earthquake Drill 2019, isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang isang earthquake drill noong August 8, 2019 sa Armor Milling Corporation sa Barangay San Felipe, Padre Garcia, kung saan nilahukan ito ng mahigit sa isang daang empleyado ng nasabing kumpanya.

Ang pagsasanay ay isinagawa upang magkaroon ng kahandaan ang pamayanan at mga ahensya ng gobyerno ganoon din ang mga pribadong sektor sa pag tugon sa mga sakunang posibleng idulot ng isang malakas na lindol.

Sa ipinakitang senaryo, isang 7.2 magnitude na lindol ang tumama sa nasabing bayan. Kaagad namang ipinag-utos ni Padre Garcia Mayor Celsa B. Rivera, ang dagliang pagbuhay ng Incident Command Team na tutugon sa mga pinsalang dulot ng malakas na pagyanig.

Ipinakita dito ang pagsasagawa ng “Duck, Cover and Hold,” sa sandaling maramdaman ang lindol; ang maayos na paglikas ng mga empleyado sa designated evacuation area; ang koordinasyon ng bawat ahensyang may kinalaman sa emergency response; at, ang pagsagip sa mga nasugatan o biktima ng lindol.

Ayon kay PDRRMO Chief Joselito Castro, patuloy pa rin ang kanilang panawagan lalo at higit sa mga pribadong kumpanya sa pagsasagawa ng mga ganitong pagsasanay tungo sa kahandaan ng lahat sa ano mang kalamidad na maaaring tumama sa lalawigan.

Lubos din ang kanyang naging pasasalamat sa suporta nina Mayor Celsa Rivera, Vice Mayor Noel C. Cantos, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan, Philippine National Police at Bureau of Fire and Protection, na naging katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa matagumpay na gawaing ito.

Poncie Magnaye – Patrol ng Kapitolyo
Photo: Batangas PDRRMO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.