2019 Palarong Pambansa, CALABARZON Heroes Games medalists, tumanggap ng insentibo

RICH BATANGAS Ad Partners, kinilala sa Kapitolyo
July 15, 2019
Batangueño Artists, kinilala sa Kapitolyo
July 16, 2019

July 16, 2019

Numero Uno ang Manlalarong Batangueño! Pinangunahan ni Batangas Governor DoDo Mandanas at ng mga opisyal ng Provincial School Board at DepED Batangas ang pamamahagi ng insentibo sa 288 Batangueño Student Athletes, na nagtagumpay sa kanilang mga sports discipline sa 2019 edisyon ng Palarong Pambansa at CALABARZON Heroes Games (STCAA). Naganap ito noong ika-15 ng Hunyo 2019 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City. / Edwin V. Zabarte-BatangasPIO-Capitol. Photo by: Karl Ambida –BatangasPIO-Capitol

Hinikayat ni Batangas Governor DoDo Mandanas ang mga Batangueño student athletes na gawing tuloy-tuloy ang pagsasanay upang lalong maitaas ang kanilang kakahayahan, at patuloy na makapag-uwi ng mga medalya at karangalan para sa Lalawigan ng Batangas.

Ang nasabing tagpo ay naganap noong ika-15 ng Hulyo 2019 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City, sa isinagawang pagbibigay ng insentibo sa mga atletang mag-aaral na nagtagumpay sa kanilang mga sports disciplines sa nakaraang CALABARZON Heroes Game (STCAAA) sa Sta. Rosa City, Laguna at 2019 edisyon ng Palarong Pambansa sa Davao City.

Iginawad ang kabuuang halagang ₱500,000 sa 271 winners ng CALABARZON Regional Games, kabilang ang 76 gold medalists na tumanggap ng ₱3,000 bawat isa; 77 silver medalists, na nagkamit ng ₱2,000; at, 118 bronze medalists na nag uwi ng tig-₱1,000.

Nabigyan naman ng ₱5,000 ang 7 mga atletang Batangueño na nanalo ng gold medals sa Palarong Pambansa, ₱4,000 para sa 4 na Silver Medalists, at ₱3,000 naman sa 6 na atleta na nag-uwi ng bronze medals.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Mandanas sa mga dumalong atleta na, bukod sa kakayahan sa palakasan, patuloy ding pag-ibayuhin ang pag-aaral sapagkat, aniya, kilala ang mga Batangueño athletes, hindi lamang sa lakas ng katawan, kung hindi pati na rin sa angking talino.

Binanggit din ng gobernador na, bukod sa pagbibigay ng ayuda at mga insentibo, nakahanda ring sumuporta ang provincial government, sa pamamagitan ng Provincial School Board, sa kanilang academic scholarships at paggabay sa kanilang training sa iba’t ibang sports disciplines sa ilalim ng itatayong Batangas High School for Sports Development.

Sa panayam kay Mr. Jimmy Murillo, Education Program Supervisor for Music, Arts, Physical Education and Sports ng Department of Education (DepEd) Batangas, sinabi nito na sumasailalim ngayon sa ebalwasyon ang kanilang programa upang matukoy ang mga sports, na kailangan ng specialized trainings, partikular ang mga medal-rich events.

Dagdag pa ng DepEd Supervisor, inilalatag at binabalangkas ng kanilang tanggapan ang isang training program, kung saan ang bawat paaralan ay tututok sa mga sporting events na kanilang pagdadalubhasaan. Sa ganitong paraan, inaasahang mas makapaghahanda ng mabuti ang mga student athletes upang manalo, lalo na sa mga medal-rich games.

Ang kabuuang 288 na mga medalyang naiuwi ng mga Batangueño athletes ay nagmula sa athletics, taekwondo, football, basketball at volleyball. / Edwin V. Zabarte-BatangasPIO-Capitol

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.