18-Day Campaign to End Violence Against Women Sinumalan na sa Batangas

People’s Initiative, Patuloy na Umaarangkada sa Batangas
December 6, 2018
Best Marine / Mangrove Protected Areas, Kinilala ng Batanga Capitol
December 10, 2018

December 6, 2018

Pormal na sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) noong ika-5 ng Disyembre 2018 sa Kapitolyo sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang VAW Forum na dinaluhan ng mga kalahok na kalalakihan mula sa mga pamahalaang lokal, iba’t-ibang departamento at ahensya ng pamahalaang nasyunal at akademya sa lalawigan.

Sa pagsusulong ng anti- violence program sa mga kababaihan, hangad ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), katuwang ang Men Opposed to Violence Everywhere (MOVE) Batangas, na mabigyan ng malalim na kaalaman at pag-unawa sa mga batas ang mga kalalakihan, partikular sa Republic Act 9262 o ang Act defining Violence Against Women and their Children.

Sa gabay ng temang “VAW-Free Community Starts with Me,” nagkaroon ng mga pagbabahagi sa forum, kung saan isang video presentation ng mga uri ng karahasan sa mga kababaihan at sa mga lugar na lubhang mataas ang bilang ng kaganapan nito, na pinamagatang Unspoken Words at ibinahagi ni G. Jansen San Juan, ang inihanda at ipinalabas ng Provincial Women’s Coordinating Council (PWCC), Samahang Batangueña, at PSWDO; ang talk tungkol sa Spiritual Essence of being a Man ni G. Gilbert Manalo, St. Bridget Colleges Professor; at, Legal Implications ng VAW na tinalakay ni Atty. Lourdez Zapanta, ang Batangas Provincial Prosecutor.

Naging tampok na aktibidad sa pagtitipon ang simbolikong pagpapalipad ng lobo ng mga opisyal ng PWCC, Samahang Batangueña , MOVE Batangas at mga kalahok ng forum, na sumisimbolo sa sama-samang pagkilos upang pigilan ang karahasan sa mga kababaihan sa lalawigan at ang paglagda sa Pledge of Commitment, na tanda ng patuloy na pakikiisa sa mga programang inilatag ng pamahalaang panlalawigan, sa pamumuno ni Governor Dodo Mandanas, para mawakasan ang anumang uri ng karahasan sa kababaihan at kabataan.

Sa pagpapakita ng mga presentasyon, binigyang atensiyon ang mga uri ng pang-aabuso sa kababaihan, tulad ng sexual o pisikal, verbal at visual na madalas nagaganap sa tahanan, lugar na pinagtatrabahuhan at sa eskuwelahan.

Binigyang paalala din ang mga kalahok, partikular ang mga kalalakihan, sa mga uri ng mga gawaing maituturing na sexual harassment na kasama sa mga nakasaad sa RA 9262, na maaaring kanilang nagagawa na wala sa kanilang kamalayan o hindi sinadsadya. – Edwin V. Zabarte, Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.