₱8.2 Bilyong Pondo ng Batangas Capitol sa 2020, ilalaan sa pagpapalawig ng mga proyekto ng H.E.L.P. Program

Ordinansa ng January 31 Nasugbu Landing bilang Special Public Holiday sa lalawigan, naipasa na
December 11, 2019
Batangas Provincial Prosecutor, Nagbigay Ulat
January 6, 2020

January 6, 2020

“Ang 2020 para sa atin is the year that we really have to deliver.”

Ito ang binigyang-diin ni Governor DoDo Mandanas sa kaniyang naging ulat noong ika-6 ng Enero 2020 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Sa muling pagbubukas ng panibagong taon ng paglilingkod at paghahatid ng serbisyo publiko, buong pagmamalaking ibinahagi ni Governor Mandanas ang slogan na “Batangas Delivers 2020,” na nangangahulugan sa pagpapatupad ng mga mahahalagang adbokasiya at programa na nakatuon sa patuloy na pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng bawat isang mamamayang Batangueño.

Ayon sa gobernador, mula sa ₱4 Bilyon na pondo noong nakaraang taong 2019, nagkakahalaga ng ₱8.2 Bilyon ang kabuuang pondo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ngayon taong 2020. Ito ay ilalaan sa pagpapalawig ng mga proyektong nakasentro sa mga pangunahing tinututukan ng kaniyang administrasyon sa pamamagitan ng governance thrust na H.E.L.P. Program (Health, Education, Livelihood and Protection of Life, Property and Environment).

Kabilang dito ang mabilis at epektibong implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law o Republic Act 11223 sa labindalawang district hospitals ng probinsya. Dito ay mababago ang health system ng lalawigan sa pamamagitan ng upgrading at advancement ng mga medical equipment, gaya ng Electrocardiogram (ECG), Anesthesia Machine, at Digital X-Ray Machine.

Kasama rin dito ang pagpaparami ng mga hospital beds, pagsasaayos ng mga hospital buildings, at pagkakaroon ng karagdagang medical specialists, staff, at nurses. Ang lahat ng ito ay upang makakuha ang mga Batangueño ng dekalidad at abot-kayang mga serbisyong pangkalusugan at pangangailangang medikal na hindi nahihirapan sa pinansiyal na aspeto.

Bukod dito, nakatakdang bumili ng mga karagdagang transport vehicles na ipapamahagi sa mga barangay sa iba’t-ibang lungsod at bayan sa lalawigan.

Dagdag pa ng gobernador, malaking tulong ang nadobleng budget para sa taong ito sa pagbibigay halaga, kapanatagan ng loob, at pagpapa-angat ng estado sa bawat isang kawani ng Kapitolyo, lalo na sa mga Casual at Job Order employees. Ang security of tenure para sa mga empleyado na nasa naturang posisyon ay maipapaganap sa pamamagitan ng tinatawag na economic enterprise, na maaaring mapagkunan ng karagdagang pondo.

Sa linya naman ng edukasyon, isinaad ng gobernador na padadamihin pa ang mga kasangkapan na higit na makakatulong sa bawat isang guro at mag-aaral sa Batangas. Mas patataasin pa rin ng Kapitolyo ang bilang ng mga scholars na binibigyan ng tulong pinansyal. Patuloy ding tutulungan ang mga mamamayan na makapagtaguyod ng kani-kanilang hanapbuhay.

Bahagi rin sa tututukan ang mga basic projects na nakahanay sa protection and enhancement of life, katulad ng patubig at kaugnay na mga imprastraktura, pagpapalakas ng teknolohiya at komunikasyon, disaster preparedness, at ang pangangalaga sa kalikasan.

Binigyang importansya rin ng gobernador ang mga volunteer workers sa bawat barangay, gayun din ang iba’t ibang sektor sa lipunan gaya ng mga senior citizens at persons with disabilities.

Sa huling bahagi ng kaniyang mensahe, ipinabatid nito na, sa harap ng patuloy na pagnanais na agarang mabigyang katuparan ang bisyon para sa lalawigan, mahalaga rin umano at nararapat lamang na maitanim sa bawat isang naglilingkod sa pamahalaan ang pagkakaroon ng malasakit o tunay na pagtulong sa kapwa, nang sa gayon ay maayos na maipaganap ang mga proyektong nasa ilalim ng H.E.L.P program.

Mark Jonathan M. Macaraig, Photo: Eric Arellano – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.