January 13, 2010Batangas City-Humarap sa miyembro ng lokal na mamamahayag si Batangas Governor Vilma Santos- Recto upang ipagbigay alam sa mga ito ang mga nakalatag na programa ng kanyang administrasyon ngayong taong 2010.
Ang Press Conference ay dinaluhan ng mga miyembro ng media mula sa Batangas Press Club, Batangas News Writers Association, ABS-CBN Southern Tagalog kasama ang ilan sa mga batikang peryodista at mamamahayag sa lokal na broadcast industry sa Batangas.
Binigyang diin ni Governor Vi sa harap ng Media ang patuloy na paglilingkod at pagbibigay serbisyo sa mamamayang Batangueno ng kanyang pamunuan ngayong election year.
Partikular na nilinaw ng Governor VI ang ilang mga sensitibong isyu ukol sa Taal Lake “ Patuloy po nating isasagawa ang pangangalaga sa lawa ng taal sapagkat ito po ang tama, Hindi po isyu rito na baka mabawasan ang boto sa mga lugar na naapektuhan ng regulasyon sa paligid ng lawa sapagkat ito po ay saklaw ng batas, kailangan po nating ipagpatuloy ito para sa higit na nakakarami” dagdag ng Gobernador.
Nagkaroon din ng pagkakataon na pasalamatan ni Governor Vi ang miyembro ng media organizations o tinaguriang “4th state” sa patuloy na pakikipagtulungan na maipaabot sa publiko ang mga impormasyon ukol sa mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan.
Hiniling din nito ang mas maigting pang pagmamatyag ng press sa mga isyu di lamang sa lalawigan kundi pati na rin sa buong bansa partikular ngayong taon ng halalan 2010. -
Edwin V. Zabarte